Kahit may pisikal na kapansanan, patuloy pa ring tumutulong ang beteranong sundalo na si Christopher sa mga gawaing bahay. Kahit inaabot nang mahabang oras para matapos ang isang gawain, matiyaga si Christopher at nais niyang mapaglingkuran ang kanyang pamilya. Nakikita siya ng mga kapit-bahay nilang matiyagang nagtatabas ng damo bawat linggo.
Isang araw, nakatanggap si Christopher ng isang sulat at may kasamang mamahaling makinang pantabas ng damo. Hindi nagpakilala ang nagbigay ng regalo sa kanya. Pero, tiyak na nalugod ang taong nagkaloob ng regalo. Alam niya na nakatulong siya sa isang taong nangangailangan.
Nagbigay din naman ng paalala sa atin si Jesus tungkol sa pagtulong sa iba. Hindi sinabi ni Jesus na dapat gawing lihim ang lahat ng pagtulong na ating gagawin. Pero pinaalalahanan tayo ni Jesus na suriin natin nang mabuti ang ating puso sa pagtulong sa iba (Mateo 6:1). Sinabi ni Jesus, “Kaya kapag nagbibigay kayo ng tulong, huwag na ninyo itong ipamalita gaya ng ginagawa ng mga pakitang-tao roon sa mga simbahan at sa mga daan upang purihin sila ng mga tao” (Tal. 2). Nais ng Dios na tumulong tayo nang bukal sa puso at hindi para lang makakuha ng papuri mula sa ibang tao (Tal. 3).
Kung ating iisipin lagi na mula sa Dios ang lahat ng bagay na mayroon tayo, magiging bukal sa puso natin ang pagtulong sa iba. Ang ating mapagbigay na Dios ay nalulugod sa mga anak Niyang bukal sa puso ang pagtulong at pagbibigay sa iba. Huwag nating asamin ang papuri ng ibang tao sa tuwing tumutulong tayo sa iba. Dahil walang makakapantay sa gantimpalang ibinibigay ng Dios sa lahat ng nagtitiwala sa Kanya.