Isang manggagamot si Catherine Hamlin sa bansang Ethiopia. Nagtayo siya at ang kanyang asawa ng isang ospital na gumagamot sa mga babaeng nagkaroon ng komplikasyon matapos manganak. Halos 60,000 mga babae ang nagamot at natulungan ni Catherine.
Sa edad na 92 taon ay naglilingkod pa rin siya sa ospital na iyon. Nag-oopera pa rin siya at nagtuturo ng Salita ng Dios sa mga Bible study doon. Sa tuwing may nagtatanong sa kanya kung paano niya nagawang maglingkod sa iba, sinasabi niya na isa siyang sumasampalataya kay Jesus. Ginagawa lamang daw niya ang nais ng Dios na gawin niya.
Namangha ako sa hindi pangkaraniwang buhay ni Catherine dahil ipinamuhay niya ang itinuturo sa atin sa Biblia na mababasa sa 1 Pedro 2:12. Sinasabi rito na ang mga sumasampalataya kay Cristo ay nararapat mamuhay nang matuwid upang makita ng mga taong hindi kumikilala sa Dios ang mabubuti nilang ginagawa nang sa gayon luluwalhatiin nila ang Dios.
Ang ating maayos na relasyon sa Dios sa pamamagitan ng Kanyang pagliligtas sa atin ang Siyang nagbibigay sa atin ng kakayahan upang makapaglingkod sa Dios (Tal. 9). Ang paglilingkod na ito na ating ginagawa ang nagpapahayag sa mga tao ng ating pananampalataya sa Dios. Kaya naman, anuman ang kakayahan ang ibinigay sa atin ng Dios, gamitin natin ito sa paglilingkod sa iba nang sa ganoon ay magtiwala rin sila sa ating Panginoon.