Nagkaroon ng malawakang sunog sa Chicago noong 1871 na naging sanhi ng pagkamatay ng halos 300 tao. Tumagal ang sunog ng tatlong araw at marami ang nawalan ng tirahan. Ang sinisisi na pinagmulan ng sunog ay ang alagang baka na pagmamay-ari ni Ginang O’Leary.
Ilang taon na ang lumipas at pinaniniwalaang nagsimula ang sunog nang matabig ng baka ang isang lampara na nagdulot ng sunog sa kanyang kulungan. Subalit makalipas ang 126 taon, nagpasa ng resolusyon ang korte na nagpapawalang-sala sa baka at sa mga may-ari nito. Siniyasat nang mabuti ang pinagmulan ng sunog at ang tunay na salarin ay ang isang kapitbahay nila roon.
Minsan, matagal talagang makamit ang hustisya at maging ang Biblia ay sumasang-ayon dito. Mababasa natin sa Biblia ang panalangin ni Haring David na humingi ng hustiya sa Dios: “Panginoon, hanggang kailan N’yo ako kalilimutan? Kalilimutan N’yo ba ako habang buhay? Hanggang kailan ba Kayo magtatago sa akin? Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko? Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan. Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?” (Salmo 13:1-2). Gayon pa man, sa gitna ng pagsusumamo ni David, nasumpungan niya ang dahilan upang magkaroon ng pag-asa at pagtitiwala: “Panginoon, naniniwala po ako na mahal N’yo ako. At ako ay nagagalak dahil iniligtas N’yo ako” (Tal. 5).
Hindi man natin makamit ang hustisya sa panahong ito, hindi kailanman tayo bibiguin ng Dios. Mapagkakatiwalaan natin Siya at maaasahan hindi lamang sa buhay na ito kundi hanggang sa walang hanggan.