Noong taong 2020 at nagsimulang maranasan ng buong mundo ang COVID-19 pandemic, nagpatung-patong ang mga problema ko. Nawalan ako ng trabaho nang halos isang buwan at hindi rin dumating ang ayudang ipinangako ng gobyerno. Lumuhod ako at umiiyak sa Dios, “Panginoon, bakit N’yo po ako pinabayaan?” Kahit na alam kong mahal ako ng Dios, pakiramdam ko sa panahong iyon na pinabayaan Niya ako.
Ipinapaalala naman sa atin ng Aklat ng Panaghoy sa Lumang Tipan ng Biblia na ayos lamang na umiyak tayo. Isinulat ang aklat na ito noong sinakop at winasak ng Babilonia ang Jerusalem. Inilalarawan sa aklat na ito ang paghihirap (Tal. 3:1, 19), kawalan ng pag-asa (1:18), at pagkagutom (2:20; 4:10) na naranasan ng mga Israelita. Pero sa gitnang bahagi ng aklat na ito, inalala ng may-akda kung bakit siya hindi mawawalan ng pag-asa: “Ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon!” (3:22-23).
Sa kabila ng pagdurusang naranasan nila, sinabi ng may-akda na nananatiling matapat ang Dios.
Minsan, tila mahirap paniwalaang mabuti ang Panginoon sa mga taong nagtitiwala at umaasa sa Kanya (Tal. 25), lalo na sa tuwing tila walang katapusan ang mga paghihirap na nararanasan natin. Pero maaari tayong lumapit sa Dios at magtiwalang pina-kikinggan Niya ang ating mga pag-iyak. Tapat din Siyang tutulong upang malagpasan natin ang bawat pagsubok.