Noong 1983, tatlong kabataan ang inaresto dahil sa pagpatay sa isang labing-apat na taong gulang na bata. Hinatulan sila ng habambuhay na pagkakakulong. Subalit, matapos ang tatlumpu’t anim na taon sa kulungan, may ebidensyang lumabas na nagpapatunay na hindi sila ang gumawa ng krimen. Kaya naman, humingi ng tawad ang hukom bago sila palayain sa krimeng hindi naman nila ginawa.
Mahirap talagang makamit ang katarungan sa mundong ito. Hindi kasi natin alam ang tunay na pangyayari. Kung minsan naman ay minamanipula ang katotohanan ng mga taong hindi tapat. Matagal bago natin makamit ang hustisyang inaasam natin. Mabuti na lamang at naiiba ang ating Dios. Siya ang tunay na nagbibigay ng katarungan.
Sinabi ni Moises tungkol sa Dios na, “Matuwid ang lahat ng gawa Niya at mapagkakatiwalaan ang lahat ng Kanyang mga pamamaraan” (Deuteronomio 32:4). Nalalaman ng Dios ang lahat ng bagay. Sa tamang panahon ay igagawad Niya ang tunay na katarungan. Kahit hindi natin alam kung kailan natin makakamit ang katarungang hinihintay natin, makakaasa tayo dahil naglilingkod tayo sa “Dios na matapat, makatarungan at maaasahan” (Tal. 4).
Maaaring nag-aalinlangan tayo kung makakamit pa natin ang hustisyang ating inaasam o para sa mga mahal natin sa buhay. Pero makakaasa tayo sa makatarungang Dios na maggagawad nito sa tamang panahon.