Isang kotse ang nabunggo sa riles ng tren at nawalan ng malay ang nagmamaneho nito. Isang pulis ang rumesponde agad sa aksidente dahil may paparating na tren sa riles na iyon. Napakabilis ang takbo ng tren kaya mabilis na iniligtas ng pulis ang lalaking walang malay. Ilang segundo lamang ang pagitan bago pa man sumalpok ang tren sa kotse.
Mababasa naman natin sa Biblia na ang Dios ang dakilang Tagapagligtas tuwing tila wala nang pag-asa. Naranasan ng mga Israelita ang pagliligtas ng Dios nang sila ay maging alipin sa bansang Egipto. Tila wala na silang pag-asang makalaya sa kamay ng mga Egipcio.
Pero tinulungan sila ng Dios at sinabi, “Nakita Ko ang paghihirap ng Aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig Ko ang paghingi nila ng tulong...at naaawa Ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap” (Exodus 3:7). Hindi lamang nakita ng Dios ang paghihirap ng mga Israelita. Gumawa rin Siya ng paraan para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio.
Ipinakita ng Dios ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan nang iligtas Niya ang mga Israelita. Gayon din naman, matutulungan at ililigtas tayo ng ating Dios sa oras ng pangangailangan. Kahit gaano pa man kabigat o napakaimposible ang problemang pinagdaraanan natin, lubos tayong makakaasa sa pagtulong ng Dios na ating Tagapagligtas.