May isang pananaliksik ang lumabas kamakailan lamang kung saan tinanong ang ilang mga tao tungkol sa pananaw nila kung anong edad kaya maituturing na isang ganap na matanda na ang isang tao. Sinasabi ng ilan na matanda na sila kapag ang mga bagay o interes at pag-uugali ay iba na sa mga nais ng kabataan.
Halimbawa rito ay ang pagkakaroon ng sariling bahay, pagluluto, pagtatala ng mga dapat gawin bawat araw at ang madalas na pananatili lamang sa bahay kaysa sa gumimik sa labas.
Sinasabi rin naman sa atin sa Biblia na dapat ay tumatanda o tumatatag rin tayo sa pagkatuto sa Salita ng Dios at sa ating buhay espirituwal. Hinikayat ni Apostol Pablo ang mga taga-Efeso na ganap silang tumatag sa espirituwal nilang pamumuhay hanggang maging katulad nila si Cristo (Efeso 4:13). Kapag bago pa tayo sa ating pananampalataya, pabago-bago tayo ng isip at nadadala ng iba’t ibang aral (Tal. 14) na malimit magresulta sa pakikipagtalo. Pero sa paglalim ng ating pagkatuto sa Salita ng Dios, nagkakaroon tayo ng pagkakaisa sa pangunguna “ni Cristo na siyang ulo ng iglesya” (Tal. 15).
Ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu upang tumulong sa atin sa pagkaunawa kung sino Siya (Juan 14:26). Ang Banal na Espiritu rin ang tumutulong sa mga tagapagturo ng Biblia upang magabayan nila tayong mas tumatag pa ang ating pananampalataya (Efesos 4:11-12). Ang pagkakaroon din naman natin ng pagkakaisa alang-alang kay Cristo ang isa pa sa mga patunay ng ating pagtatag sa ating buhay espirituwal.