Nang magsimula ang video conference na dadaluhan ko, hindi ko napansin na binati pala ako nang nangunguna sa aming pagpupulong. Nakatingin kasi ako sa hitsura ko sa harap ng kamera at sa hitsura ng ibang taong kasama namin sa pulong. Naisip ko tuloy na dapat na akong magpagupit at magbawas ng timbang.
Mababasa naman natin sa Aklat ng Ezekiel sa Lumang Tipan ng Biblia kung gaano kataas ang tingin ng hari ng Egipto sa kanyang sarili. Akala niya ay “isa [siyang] leon na paroo’t parito sa mga bansa...isang buwayang lumalangoy sa sarili [niyang] ilog” (Ezekiel 32:2). Pero nalaman niya kung ano ang tingin ng Dios sa kanya. Sinabi ng Dios na may masamang mangyayari sa hari ng Egipto. Itatapon siya ng Dios sa lupa at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. Dahil dito, maraming tao ang matatakot sa gagawin ng Dios sa kanya at pati ang mga hari ay manginginig sa takot (Tal. 10). Mali ang inakala ng hari ng Egipto sa kanyang sarili.
Minsan, akala natin ay maayos ang ating kalagayan sa harap ng Dios. Pero kung titingnan tayo ng Dios ay hindi tayo makakaabot sa Kanyang pamantayan dahil sa ating mga kasalanan. Kahit ang “[ating] mabubuting gawa ay parang maruming basahan” sa harapan ng Dios (Isaias 64:6). Pero sa tuwing tinitingnan tayo ng Dios, si Jesus at ang ginawa Niyang sakripisyo sa atin ang Kanyang nakikita.
Sa tuwing pinanghihinaan tayo ng loob kung ano ang tingin natin sa ating sarili, isipin lamang natin ang ginawa ni Jesus para sa atin. Tayo ay nakay Cristo na. Kaya naman, mas maganda ka kaysa sa iyong inaakala sa iyong sarili.