Umalis kami sa simbahan na matagal na naming dinadaluhan dahil nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan sa ilang miyembro doon. Pero makalipas ang tatlong taon, nagkaroon muli kami ng pagkakataon na makasama sila. Nag-aalinlangan ako bago kami muling makipagkita sa kanila. Iniisip ko kung paano nila kami tatanggapin at kung napatawad na kaya nila kami dahil sa aming pag-alis.

Pero nawala ang lahat ng aking pangamba nang mainit nila kaming tinanggap. Panay ang tawag nila sa aming pangalan at tuwang-tuwa silang makita kaming muli. Sinabi nga ng isang manunulat na si Kate DiCamillo, “Wala nang mas sasaya pa sa pagtawag sa iyong pangalan ng taong nagmamahal sa iyo.”

Naranasan din naman ng bansang Israel ang muling pagtanggap sa kanila ng Dios. Nagkasala sila at tumalikod sa Dios. Pero muli silang tinanggap ng Dios. Ipinadala ng Dios si Propeta Isaias upang sabihin sa bansang Israel na, “Huwag kang matakot dahil ililigtas Kita. Tinawag Kita sa pangalan mo, at ikaw ay Akin” (Isaias 43:1).

Kung nararamdaman natin na hindi tayo mahalaga o balewala lamang tayo, isipin natin na hindi ganito ang tingin sa atin ng Dios. Mahalaga tayo sa Kanya at nakikilala Niya tayo. Sinabi ng Dios, “Ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin” (Tal. 4). Ipinangako rin Niya na, “Kapag dumaan ka sa tubig, Ako’y kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod” (Tal. 2). Hindi lamang para sa bansang Israel ang pangakong ito ng Dios. Isinakripisyo kasi ni Jesus ang Kanyang buhay para sa atin. Nakikilala Niya tayo at lubos Niya tayong minamahal.