Matagal nang nagtuturo ang aking ina sa mga bata sa aming simbahan. Nais niya kasing matuto ang mga bata tungkol kay Jesus.
Halos 55 taon na ang iginugol niya sa paglilingkod sa mga bata. Naaalala ko pa nga na minsang nakipagtalo siya nang hindi makapaglaan ng pera para sa gawain sa mga bata ang aming simbahan. Para sa kanya kasi ay mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagtuturo sa mga bata tungkol kay Jesus.
Mababasa naman natin sa Marcos 10 ang kuwento nang pinagpala ni Jesus ang maliliit na mga bata. Dinala ng mga tao ang kanilang maliliit na anak kay Jesus upang patungan Niya ng kamay at pagpalain. Pero pinagbawalan sila ng mga tagasunod ni Jesus. Nang makita ni Jesus ang nangyari, nagalit Siya at sinabi sa mga tagasunod Niya, “Hayaan n’yong lumapit sa Akin ang mga bata. Huwag n’yo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios” (Tal. 14).
Sinabi ng manunulat na si Charles Dickens, “Mahal ko ang mga munting batang ito. Malaking bagay na maituturing kapag minahal din naman nila tayo.” Ganoon din naman, isang malaking bagay ang magagawa natin kung ilalapit natin sila kay Jesus upang maranasan nila ang pag-ibig na nagmumula sa Kanya.