Sinabihan na ng mga doktor ang mag-asawang sina Rebecca at Russel na hindi na sila magkakaanak. Pero may ibang plano sa kanila ang Dios. Nagdalang-tao si Rebecca makalipas ang sampung taon. Naging maayos at malusog din ang kanyang pagbubuntis.
Nang dumating na ang panahon na manganganak na si Rebecca, naging mahirap para sa kanya ang panganganak. Kailangan siyang operahan upang maipanganak ang sanggol. Natakot si Rebecca pero sinabi sa kanya ng kanyang doktor na, “Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya pero samahan mo akong manalangin sa Dios dahil Siya lamang ang tutulong sa akin upang maisagawa ko nang maayos ang pag-oopera sa iyo.” Nanalangin sila at makalipas ang ilang minuto ay naipanganak ang malusog na sanggol na si Bruce.
Nauunawaan ng doktor ni Rebecca na kailangan niyang umasa sa pagtulong at kapangyarihan ng Dios. Kahit na alam niyang may kakayahan siyang gawin ang pag-opera, kailangan pa rin niya ang karunungan, kalakasan at pagtulong na nagmumula sa Dios (Salmo 121:1-2).
Nakakamanghang isipin na may mga taong likas na may kakayahan na umaasa pa rin ng tulong sa Dios. Kailangan naman talaga natin palagi ang tulong ng Dios. Siya lamang ang “makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin” (Efeso 3:20). Magkaroon nawa tayo ng mapagpakumbabang puso at laging humingi ng tulong sa Dios dahil Siya lamang ang makakatulong sa lahat ng ating ginagawa.