May narinig ako na kumalabog sa aming bintana. Sumilip ako at nakita ko ang isang ibon na nahihirapan. Naawa ako sa ibon kaya kinuha ko ito at inalagaan.
Mababasa naman sa Mateo 10 kung paano inilarawan ni Jesus ang pag-aalaga ng Dios Ama sa mga ibong maya. Ginamit ni Jesus ang paglalarawan na ito upang palakasin ang loob ng Kanyang mga alagad sa makakaranas ng kapighatian. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at “binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman” (Tal. 1). Pero sa kabila ng mga dakilang gagawin na ito ng mga alagad ni Jesus, maraming tao ang sasalungat sa kanila kabilang na ang mga hari at gobernador, ang kanilang sariling pamilya at ang diyablo (Tal. 16-28).
Pero sa Mateo 10:29-31, sinabi sa kanila ni Jesus na huwag silang matakot dahil lagi silang sasamahan at aalagaan ng Dios. Sinabi ni Jesus, “Hindi ba’t napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”
Buong araw kong inalagaan ang ibon na nakita ko sa aming bintana. Pero hindi na rin ito tumagal at namatay din. Kung ganoon na lamang ang pag-aalala at pag-aaruga ko sa ibon na iyon, tiyak na mas higit pa ang pag-aaruga ng Dios dito. Talagang hindi natin lubos maiisip kung gaano kadakila ang pag-ibig at pag-aaruga sa atin ng Dios.