Nagkakilala sina Marge at Tami sa isang pagtitipon kung saan pinag-aaralan ang Biblia.

Ikinuwento ni Tami kay Marge na noong una ay nahihirapan siyang maunawaan ang Biblia. Lalo na ang sinasabi ng mga kababaihang kasama niya sa pag-aaral ng Biblia tungkol sa kung paano kumikilos ang Dios sa buhay nila. Hindi pa raw kasi niya nararanasan noon ang pagkilos ng Dios sa kanyang buhay.

Kaya naman, naisip ni Tami na gumawa ng paraan kung paano niya mas matatandaan at mapagbubulayan ang Salita ng Dios. Kumuha siya ng isang upuang yari sa kahoy at tuwing nagbabasa siya ng Biblia, isinusulat niya sa upuan ang talatang pinakatumatak sa isip niya. Halos napuno na niya ang upuan ng mga talata sa Biblia na nagpapaalala sa Kanya ng kabutihan ng Dios. Para kay Marge, naging mas malalim ang pananampalataya ni Tami dahil personal niyang naranasan ang mga nababasa niya sa Biblia at isinasapamuhay niya ang mga ito.

Sinabi naman ni Jesus sa mga Israelitang nagtitiwala sa Kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral Ko, totoo ngang mga tagasunod Ko kayo. Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:31-32). Kaya naman, isaisip at isabuhay natin ang Salita ng Dios. Ang katotohanan at ang karunungang nagmumula sa Panginoong Jesus ang tutulong sa atin upang mas lalong tumatag ang pananampalataya natin sa Kanya.