May isang lugar sa Perth, Australia na tinatawag na Shalom House. Tinutulungan dito ang mga taong nalulong sa ipinagbabawal na gamot, pagsusugal at pag-inom ng alak. Ang ibig sabihin ng salitang shalom sa wikang Hebreo ay kapayapaan. Tinutulungan sila dito na mabago ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at kapayapaang nagmumula sa Dios.
Nababago rin ang kanilang buhay kapag nauunawaan nila ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa krus at ang muli Niyang pagkabuhay. Tunay nga na kay Cristo lamang natin makakamit ang kapayapaan at kagalingan na ating inaasam.
Bawat isa sa atin ay nangangailangan ng kapayapaan at matatagpuan lamang natin ito kay Cristo at sa Banal na Espiritung ipinagkakaloob Niya sa atin. Binigyang-diin naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia kung paano kumikilos ang Banal na Espiritu sa kanilang mga buhay. Ang mga bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, pagtitiis at iba pa (Galacia 5:22-23). Ang Banal na Espiritu din ang nagbibigay sa atin ng kapayapaang hindi nagmamaliw.
Sa patuloy na pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating buhay, natututo tayong ilapit sa Dios ang ating mga pinoproblema. Kapag ginagawa natin ito, bibigyan tayo ng Dios ng kapayapaang hindi kayang unawain ng tao na siyang mag-iingat sa ating puso at pag-iisip dahil tayo’y nakay Cristo Jesus na (Filipos 4:7).