Ano sa tingin mo ang hitsura ng dinosaur noong nabubuhay pa ang mga ito? Kagaya ba ito ng mga nakikita nating larawan sa ngayon na may malalaking ngipin, mahahabang buntot at makaliskis na balat?
Makikita sa Sam Noble Oklahoma Museum ang ipinintang larawan ni Karen Carr ng mga naglalakihang dinosaur. Ang isa sa larawang iginuhit niya ay halos 20 talampakan ang taas at 60 talampakan ang haba.
Siguradong manliliit ka kung tatayo ka sa harap ng napakalaking larawan na ito ng dinosaur. Namamangha din naman ako sa tuwing nababasa ko sa Aklat ng Job ang paglalarawan sa isang dambuhalang hayop na tinawag na Behemot (Job 40:15). Kumakain ito ng damo na tulad ng baka. Napakalakas nito at napakatibay ng katawan. Ang buntot nito’y tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro. Ang mga buto naman nito’y kasintibay ng bakal. Hindi ito natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog.
Walang makakapagpaamo sa kahanga-hangang nilalang na ito maliban sa kanyang Manlilikha (Tal. 19). Ipinaalala ng Dios kay Job na Siya ang Dios na makapangyarihan nang malugmok si Job sa mga pagsubok na pinagdaanan niya. Napuno ng kalungkutan at kabiguan ang buhay ni Job hanggang sa tinatanong na niya ang Dios. Pero nang kinausap ng Dios si Job ay naunawaan ni Job na ang Dios ang Siyang tunay na makapangyarihan. Mas makapangyarihan ang Dios kaysa sa mga problemang nararanasan ni Job. Kaya naman sa huli ay nasambit na lamang ni Job na, “Alam ko pong magagawa N’yo ang lahat ng bagay” (42:2).