Ang A River Runs Through It ay isang magandang kuwento tungkol sa dalawang magkapatid at sa kanilang tatay na isang pastor. Dalawang beses nagbibigay ng sermon ang kanilang tatay sa simbahan tuwing Linggo – isa sa umaga at isa sa gabi.
Nakikinig ang magkapatid na Paul at Norman sa pagtuturo ng kanilang tatay tuwing Linggo nang umaga. Pero bago magturo muli sa gabi, kasama nila ang kanilang tatay na naglalakad-lakad sa may burol at tabing ilog. Ginagawa ito ng kanilang tatay upang makapagpahinga at makapagbulay-bulay bago siya muling magturo.
Mababasa din naman natin sa Biblia kung paano nagturo si Jesus sa mga tao at nagpagaling ng mga maysakit. Ginawa Niya ito upang tuparin ang Kanyang layunin na “hanapin at iligtas ang naliligaw” (Lucas 19:10). Pero sa kabila ng pagiging abala ni Jesus, mababasa rin natin na, “laging pumupunta si Jesus sa [liblib na lugar] at doon nananalangin” (5:16). Naglalaan Siya ng panahon upang makipag-usap sa Dios Ama, upang makapagpahinga at makapagpanumbalik ng kalakasan para maging handa muli Siya sa Kanyang misyon.
Gaya ni Jesus, matutunan din sana natin na maglaan ng panahon para magpahinga at makipag-usap sa ating Dios Ama. Siya ang magpapanumbalik ng ating kalakasan upang maging handa muli tayo sa paglilingkod sa Kanya at pagtulong sa ibang tao.