Isa ang kabayong si Drummer Boy na nakasama sa labanan ng mga sundalong taga-Britanya noong taong 1854. Kahit na sugatan si Drummer Boy sa pakikipaglaban, nagpakita pa rin ito ng katapangan, kalakasan at hindi pagsuko. Kaya nagdesisyon ang namuno sa labanan na si Lieutenant Colonel de Salis na dapat ding bigyang parangal ang kabayong si Drummer Boy kasama ng matatapang na mga sundalo.
Kahit na natalo ang mga sundalong taga-Britanya sa labanan, hindi pa rin makakalimutan hanggang sa ngayon ang katapangan ng mga sundalo at ng mga kabayong kanilang nakasama.
Mababasa naman natin sa Kawikaan 21:31 na, “Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.” Sa Deuteronomio 20:4 naman ay nakasulat na, “Ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban Siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin Niya kayo!” Sinabi naman ni Apostol Pablo sa kabila ng banta ng kamatayan, “Salamat sa Dios dahil binigyan Niya tayo ng tagumpay sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Corinto 15:56-57).
Ngayong nalalaman natin na ang Dios ang magkakaloob sa atin ng katagumpayan, nararapat pa rin tayong maging handa sa anumang mabibigat na problema na ating kakaharapin. Magiging handa tayo kung tayo ay mananalangin, sanayin ang ating kakayahan at manatiling matatag. Sa pagiging handa natin, magtatagumpay tayo sa tulong na nagmumula kay Cristo.