Bumili si Aubrey ng isang magandang jacket para sa kanyang tatay na matanda na. Pero hindi na ito naisuot ng tatay ni Aubrey dahil pumanaw na ito. Naisip ni Aubrey na ibigay na lamang ang jacket bilang donasyon. Nilagyan din niya ang bulsa ng jacket ng pera at sulat na naglalaman ng pagpapalakas ng loob sa kung sino man ang makakabasa nito.
Samantala, lumayas naman ang binatang si Kelly sa kanilang tahanan dahil palaging nag-aaway ang kanyang mga magulang. Pumunta siya sa bahay ng kanyang lola na matagal nang nananalangin para sa kanya. Nang salubungin siya ng kanyang lola sinabi nito na kailangan niya ng jacket dahil taglamig noon. Pumunta sila sa lugar kung saan naroon ang jacket na ibinigay ni Aubrey at napili ni Kelly ang jacket na ito. Pagkapa ni Kelly sa bulsa ng jacket ay nakita niya ang pera at sulat na inilagay ni Aubrey.
Umalis din naman si Jacob sa kanilang tahanan dahil natatakot siya sa planong pagpatay sa kanya ni Esau (Gen. 27:41-45). Nagpakita sa kanya ang Dios sa isang panaginip. Sinabi sa kanya ng Dios, “Alalahanin mo palagi na kasama mo Ako at iingatan Kita kahit saan ka pumunta” (28:15). Nangako naman si Jacob sa Dios, “Panginoon, kung sasamahan po Ninyo ako at bibigyan po ng pagkain at damit …kikilalanin ko po Kayong aking Dios” (Tal. 20-21).
Nagtayo si Jacob ng isang bantayog bilang isang alaala na kasama niya ang Dios sa lugar na iyon (Tal. 22). Palagi din namang dala-dala ni Kelly ang pera at sulat na nakuha niya bilang paalala sa kanya. Alalahanin din naman natin na saan man tayo pumunta ay kasama natin ang Dios.