May isang sikat na palabas sa telebisyon kung saan inaayos ang mga lumang bahay at ginagawa itong bago muli. Pinapaganda ang mga pader at pinipinturahang muli ang bahay. May isang eksena sa palabas na iyon na sobrang namangha ang may-ari ng bahay sa pagbabagong nakita niya. Tuwang-tuwa siya at tatlong beses niyang nasabi na, “Napakaganda!”
Mayroon din naman tayong mababasa sa Biblia na isang napakagandang larawan ng lugar na binago. Sinabi ng Dios sa Isaias 65:17-25 na gagawa muli Siya ng bagong langit at bagong lupa. Totoong mangyayari ito sa hinaharap.
“Magtatayo ang Aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito” (Tal. 21). Wala na ring kalupitan o karahasan na mangyayari sa bagong lugar na ito. “Wala nang mamiminsala o gigiba sa Aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito” (Tal. 25).
Tiyak na mangyayari sa hinaharap ang mga pagbabagong nakasulat sa Isaias 65. Pero habang hinihintay natin na mangyari ito, ang ating Dios ay may kapangyarihan din na magbago ng ating mga buhay sa ngayon. Sinabi ni Apostol Pablo, “Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya” (2 Corinto 5:17). Nangangailangan ka ba ng pagbabago sa iyong buhay? Nais mo bang mapawi ang iyong mga pagdududa at kalungkutan? Nais mo bang sumunod sa Dios at hindi na sumuway sa Kanya? Lumapit ka kay Jesus at magtiwala sa Kanya dahil kayang-kaya Niyang baguhin ang iyong buhay.