Isang manunulat si Becky Pippert at nagpapahayag ng tungkol sa paraan ng kaligtasan na ginawa ng Panginoong Jesus. Tumira siya sa bansang Ireland. Nang nandoon siya, nais niyang ipahayag sa manikuristang si Heather ang tungkol kay Jesus. Pero tila hindi interesado si Heather kaya nanalangin muna si Becky sa Dios.
Minsan, habang nililinisan siya ni Heather ng kuko, napatitig si Becky sa larawan ng isang modelo na nasa magasin na binabasa niya. Tinanong siya ni Heather kung bakit tila natigilan siya. Sinabi ni Becky na ang modelong iyon ay isa niyang matalik na kaibigan. Naikuwento rin niya kay Heather ang mga pinagdaanan ng kanyang kaibigan at kung paano ito nagtiwala sa Panginoon. Nakinig namang mabuti si Heather sa naikuwento ni Becky.
Humingi ng tulong si Becky sa Dios dahil alam niyang mahina siya at hindi niya maipapahayag kay Heather ang tungkol kay Cristo kung aasa siya sa sarili niyang kakayahan. Ganito din naman ang ginawa ni Apostol Pablo nang magsumamo siya sa Dios na tanggalin ang isang kapansanan niya sa katawan. Sinabi sa kanya ng Dios, “Sapat na sa iyo ang Aking biyaya, dahil ang kapangyarihan Ko’y nakikita sa iyong kahinaan” (2 Corinto 12:9). Natutunan ni Pablo na ipagkatiwala sa Dios ang lahat ng bagay sa kanyang buhay, maliit man ito o malaki.
Kung aasa tayo sa tulong na nagmumula sa Dios, pagkakalooban din naman Niya tayo ng mga pagkakataon na maipahayag sa iba ang ating pananampalataya.