Minsan, naimbitahan ako na magbigay ng mensahe sa mga mag-asawa na hindi pinagkalooban ng Dios na magkaroon ng anak. Nakakasimpatya ako sa kanila dahil kami ring mag-asawa ay hindi nagkaroon ng sarili naming anak. Pero ito ang sinabi ko sa mga dumalong mag-asawa upang lumakas ang kanilang loob: “Maaari pa ring maging buo ang ating pagkatao kahit hindi tayo naging isang magulang. Kahanga-hanga ang pagkakalikha sa atin ng Dios at may layunin Siya sa ating buhay.”
Isang babae ang lumapit sa akin at nagpasalamat. Sinabi niya sa akin, “Dati, pakiramdam ko ay wala akong kuwenta. Pero salamat sa mensahe mo at napaalalahanan ako na kahanga-hanga ang pagkakalikha sa akin ng Dios.” Sinabi rin niya sa akin na minsan na siyang lumayo sa Dios pero ngayon ay nais niyang magkaroon muli nang maayos na relasyon sa Dios.
May pagkakataon na akala natin na ang pagiging isang magulang, pagkakaroon ng maayos na trabaho at maayos na buhay ang kukumpleto sa ating pagkatao. Pero ang katotohanan na sa pamamagitan ni Jesus ay naging minamahal tayong mga anak ng Dios na siyang tunay na kukumpleto sa ating buhay (Efeso 5:1). Magkakaroon din tayo ng makabuluhang buhay kung mamumuhay tayo nang may pag-ibig sa ating kapwa (Tal. 2).
Kahanga-hanga ang pagkakalikha ng Dios sa atin (Salmo 139:14), at nagiging mga anak Niya ang sinumang magtitiwala kay Jesus (Juan 1:12-13). Ang Dios din ang nagbibigay sa atin ng pag-asa at layunin sa buhay na ito.