Nagturo si Martha sa isang paaralang pang-elementarya sa loob ng halos tatlumpung taon. Bawat taon, nag-iipon siya ng pera pambili ng mga damit sa mga mag-aaral na nangangailangan. Nang pumanaw siya dahil sa sakit na leukemia, inalala namin ang mabubuti niyang ginawa. Sa halip na magbigay ng mga bulaklak, nagbigay ang mga taong nakiramay ng mga damit sa mga mag-aaral na tinulungan ni Martha.
Maraming tao rin ang nagbahagi ng mga kuwento kung paano sila tinulungan ni Martha sa pamamagitan ng kanyang kabutihang-loob. Naging inspirasyon ang buhay ni Martha upang maging mapagbigay at tumulong sa mga nangangailangan.
Mababasa naman natin sa Mga Gawa 9 ang tungkol sa buhay ni Dorcas na isang babaeng maraming nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha (Tal. 36). Nagkasakit si Dorcas at namatay kaya pinakiusapan ng mga tao si Pedro na bumisita.
Ipinakita ng mga nagluluksang biyuda kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya (Tal. 39). Lumuhod at nanalangin si Pedro at muling nabuhay si Dorcas. Napabalita sa marami ang muling pagkabuhay ni Dorcas at “marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus” (Tal. 42). Naging halimbawa ang buhay ni Dorcas kung paano magiging mapagbigay at maglingkod sa iba.