Minsan, namundok kami ng aking asawa kasama ang dalawa naming kaibigan. Pagbaba namin ng bundok, nakakita kami ng isang malaking oso sa gubat. Nais kuhanan ng aking kaibigan ng larawan ang oso gamit ang kanyang kamera pero pinigilan ko siya. Sinabi ko na dapat na kaming umalis doon bago pa kami makita ng oso. Kaya, tahimik kaming umalis sa lugar na iyon at tumakbo papalayo.
Kung paano nagkaroon ng pagnanais ang aking kaibigan na kuhanan ng larawan ang oso, tayo rin naman ay may mga pagnanais sa ating buhay na hindi makakabuti sa atin. Isa na rito ang pagnanais nating yumaman.
Hindi masama ang pera dahil ginagamit natin ito na pambili ng ating mga pangangailangan. Pero ang mga taong nagnanais yumaman ay “nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan” (1 Timoteo 6:9). Ang kayamanan ang nagbubunsod sa atin upang maghangad pa ng mas marami.
Sa halip na naisin nating yumaman sa materyal na bagay, dapat nating sikaping mamuhay nang “matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa” (Tal. 11). Magkakaroon tayo ng ganitong pag-uugali kung magsusumamo tayo sa Dios na kumilos Siya sa ating buhay. Ang Dios din naman ang magbibigay sa ating kagalakan at kakuntentuhan sa ating buhay.