Dalawang beses na inawit ng dalawang bata ang kantang Happy Birthday habang naghuhugas ng kamay. Ganoon daw kasi katagal bago mawala ang mga dumi sa kanilang mga kamay, ayon sa kanilang ina. Kaya naman bago pa man ang pandemya, natutunan na nilang hindi magmadali sa paglilinis ng kanilang kamay.
Itinuro sa atin ng pandemya ang masusing proseso ng paglilinis ng mga bagay. Ngunit ang pagiging malinis sa kasalanan ay nagsisimula sa pagbabalik-loob sa Dios.
Hinikayat naman ni Santiago ang mga sumasampalataya kay Jesus, sa buong imperyo ng Roma na bumalik sa paglilingkod sa Kanya. Iba-t ibang uri ng kasalanan ang naging dahilan ng pagkahiwalay nila sa Dios. Binalaan niya sila, “Kaya’t pasakop kayo sa Dios, labanan ninyo ang diablo, at Siya ay lalayo sa inyo. Lumapit kayo sa Dios, at Siya’y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip” (Santiago 4:7-8). Pero paano?
“Lumapit kayo sa Dios, at Siya’y lalapit sa inyo” (Tal. 8). Ito ang mga salitang makatutulong sa atin na lumayo sa kasalanan. Ayon kay Santiago, kailangan din nating “...managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan natin ang ating pagtawa ng pagluluksa, at ang ating kagalakan ng kalungkutan. Magpakumbaba sa harapan ng Panginoon, at tayo’y Kanyang itataas” (Tal. 9-10). Ang paglaya mula sa kasalanan ay hindi madali kaya’t salamat sa Dios dahil sa paglapit natin sa Kanya, tiyak na ang ating paglilinis ay magdudulot ng pagpupuri sa ating Ama.