Minsan, humingi ng payo sa akin si Alan kung paano mawawala ang kaba niya sa pagsasalita sa harap ng maraming tao. Tulad ng marami, bumibilis ang tibok ng dibdib niya, tuyot na ang kanyang mga labi, namumula ang kanyang mukha kapag nagsasalita na siya sa harap ng maraming tao.
Ang Glossophobia ay madalas na maranasan ng marami — mas takot pa daw silang magsalita sa harap ng maraming tao kaysa sa mamatay. Para matulungan si Alan, pinayuhan ko siya na magpokus sa mensaheng nais niyang ipamahagi imbes sa kung paano niya ito ibabahagi.
Ang pagbibigay halaga sa mensahe na nais nating ipahayag ay katulad ng pagnanais ni Apostol Pablo na dalhin ang mga tao sa Dios. Nang minsang sumulat siya sa mga taga-Corinto, binigyang-diin niya ang hindi niya paggamit ng “malalalim na pananalita o karunungan” (1 Corinto 2:4). Sa halip, hinikayat niya ang mga ito na mag-pokus sa mensahe ng katotohanan kay Cristo Jesus at ang Kanyang pagpapakasakit sa krus (T.2). At nagtitiwalang may gabay ng Banal na Espiritu ang kanyang bawat salita at hindi sa sariling kakayahan.
Kapag nakilala natin ng husto ang Dios, sabik tayong ipamahagi ito sa iba. Ngunit madalas tayong matakot na hindi ito maipaliwanag nang maayos dahil sa kakulangan ng perpektong salita. Tulad ni Pablo, mas bigyan natin ng halaga ang mensahe na ating ipapapahayag at magtiwala sa kakayahan ng Dios. Kung gagawin natin ito, makakapagbahagi tayo ng Kanyang salita nang walang kaba at takot.