Si Charles H. Spurgeon ay namuhay ng buong sigasig at kasipagan mula 1834-1892. Sa edad na labing-siyam ay nagsimula na siyang mangaral. Mabilis na dumami ang kanyang mga tagapakinig. Siya mismo ang sumusulat ng kanyang mga pahayag.
Nagkaroon siya ng animnapu’t-tatlong koleksyon ng kanyang mga pahayag, nagsulat ng maraming komentaryo sa Biblia, mga librong tungkol sa pananalangin, at marami pang iba. Sa taglay na kasipagan, anim na libro ang kaya niyang tapusin sa isang linggo! Ayon sa kanya, “Ang pinakamabigat na kasalanan ay ang kasalanan ng hindi pagkilos, dahil mas masahol ito sa ibang kasalanan…kakila-kilabot na katamaran! Iligtas nawa tayo ng Panginoon mula rito.”
Naging masipag si Spurgeon sa lahat ng bagay. Masasabi nating “pinagsikapan” (2 Pedro 1:5) niyang gawin ang lahat upang lumago sa Dios at mamuhay nang para sa Dios. Kung tunay tayong tagasunod ni Jesus, bibigyan din Niya tayo ng parehong hangarin at kakayahan na mas lumago sa Dios at “magsikap na maidagdag sa ating pananampalataya ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; pagpipigil sa sarili; pagtitiis; kabanalan” (Tal. 5-7).
May kanya-kanya tayong dahilan, kakayahan, at lakas. Hindi natin kailangang gayahin si Charles Spurgeon. Ngunit kung maiintindihan lang natin ang mga ginawa at ginagawa ni Jesus para sa atin, matatagpuan natin ang isang perpektong dahilan upang maging buong sigasig na mamuhay sa katapatan. Sa biyaya ng Dios na dala ng Banal na Espiritu, magkakaroon tayo ng lakas upang gawin ang mga ito.