Sa paglagay ko ng aking Biblia sa pulpito, nakita ko ang kasabikan ng mga tao na marinig ang aking ipapahayag. Nanalangin at naghanda naman ako pero bakit hindi ako makapagsalita? “Wala kang kuwenta. Walang makikinig sa’yo, lalo na kapag nalaman nila ang nakaraan mo. At hindi kailanman gagamitin ng Dios ang tulad mo.” Ganitong mga salita ang tumimo sa aking isipan. Napakabilis ko itong pinaniwalaan. Kahit na alam kong hindi ito totoo, napakahirap pa ring iwasan ng takot at pangamba. Dahil dito, binuksan ko ang aking Biblia.
Binuksan ko ito sa Kawikaan 30:5, isang malalim na paghinga bago ko ito basahin ng malakas. “Ang bawat salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan. Siya ay tulad ng panangga sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.” Nagsimula akong balutin ng kapayapaan mula sa Dios, at nasimulan kong ibahagi ang kuwento ng buhay ko. Marami sa atin ang madalas na naaapektuhan ng ganitong mga kasinungalingan at opinyon ng iba tungkol sa atin. Ngunit ang salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan.
Kapag natutukso tayong maniwala sa mga kasinungalingan tungkol sa halaga at layunin natin bilang anak ng Dios, ang Salita ng Dios ang magsisilbing paalala natin. Alalahanin natin ang sinabi sa Salmo; “Panginoon, inaalala ko ang inyong katarungang ibinigay noong una, at ito’y nagbibigay sa akin ng kaaliwan” (Salmo 119:52).
Labanan natin ang kasinungalingang pinaniwalaan natin tungkol sa Panginoon, sa ating sarili, at sa ating kapwa sa pamamagitan ng katotohanan na dala ng Biblia.