Minsan, habang inihahatid kami ng aming taxi driver sa Heathrow Airport, nagkuwento siya ng tungkol sa kanyang buhay. Sinabi niya na labin-limang taong gulang pa lamang daw siya nang magsimulang manirahan sa United Kingdom. Ginawa niya iyon upang takasan ang digmaan at taggutom sa kanilang bansa.
Paglipas ng labing-isang taon, mayroon na siyang sariling pamilya at masaya niyang natutugunan ang kanilang pangangailangan. Ngunit labis na kalungkutan pa rin ang kanyang nadarama sa pagkakawalay niya sa kanyang mga kapatid at mga magulang. Ayon sa taxi driver, hindi daw siya titigil sa kanyang pagsisikap hanggang makasama niya muli ang nawalay na pamilya.
Malungkot ang mawalay sa mga taong minamahal natin. Ngunit mas malungkot ang mamatayan ng mahal natin sa buhay. Nag-iiwan kasi ito ng malaking puwang sa ating pagkatao na mahirap na mapunan muli. Naranasan din naman ito ng mga taong sumasampalataya kay Jesus sa Tesalonica. Kaya naman, sumulat si Pablo sa kanila, “Mga kapatid, gusto naming malaman n’yo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa” (1 Tesalonica 4:13).
Nagdudulot ng labis na kalungkutan ang pagkamatay ng ating mga mahal sa buhay. Ngunit dahil sa pag-asa na nagmumula kay Jesus, hindi na natin kailangan malungkot. Nangako kasi Siya na muli niyang bubuhayin ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya.