Kahit walang nagawang mali si Sam, natanggal pa rin siya sa kanyang trabaho. Dahil sa kapabayaan ng kanyang mga katrabaho, nagkaroon ng problema ang mga sasakyang naibenta na ng kanilang kumpanya. Nasangkot sa mga aksidente ang mga sasakyan at umunti ang mga mamimili nito. Dahil dito, natanggal si Sam sa kumpanya. Pinagbayaran niya ang kapabayaang hindi siya ang gumawa.
Ganito rin ang nangyari sa pinakaunang pagkakasala ng sangkatauhan. Pagkatapos magkasala, nahiya si Adan at Eba sa hubad nilang katawan kung kaya’t “dinamitan sila ng Panginoon gamit ang balat ng hayop” (Genesis 3:21). Ang dating ligtas at masasayang hayop sa hardin ng Eden ay kinailangang patayin at balatan.
Bukod doon, sinabi din ng Dios sa Israel, “Tuwing umaga, kina-kailangang may inihahandog sa Akin na tupang walang kapintasan bilang handog na sinusunog” (Ezekiel 46:13). Ilang libong hayop kaya ang kinailangang patayin at ialay para sa kasalanan ng tao?
Kinailangang mamatay ng mga hayop bilang alay sa ating mga kasalanan. Hanggang sa dumating si Jesus, “Ang Tupa ng Dios” (Juan 1:29). Siya ang naging kabayaran ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ni Jesus, nagkaroon ng bagong buhay ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya (Roma 5:17-19). Hindi man tama na maging kabayaran si Jesus sa kasalanang hindi Niya ginawa, ibinigay Niya pa rin ito sa atin nang hindi naghihintay ng kapalit. Lumapit kay Kristo, maniwala at tanggapin ang kaligtasan na Kanyang libreng ibinibigay. Ang buhay Niyang walang kapintasan ang magiging kabayaran sa iyong kasalanan.