Noong July 16, 1999 bumagsak sa Atlantic Ocean ang eroplanong pinapaandar ni John F. Kennedy Jr. Ayon sa mga imbestigador dahil ito sa spatial disorientation na nangyayari kapag hindi maayos na nakikita ng piloto ang himpapawid at hindi niya sinunod ang tamang paraan ng pagpapalapag ng eroplano.

Sa ating buhay naman, para din tayong may spatial disorientation. Hindi na natin alam ang dapat gawin dahil nagkasabay-sabay ang problema. Problemang katulad ng pagkakaroon ng sakit o pagkamatay ng mahal sa buhay at iba pang suliranin.

Sa mga ganitong kalagayan, maaari nating sambitin ang panalangin sa Salmo 43. Dito, naramdaman ng mang-aawit ang labis na pagkabalisa sa mga nangyayaring kasamaan at kawalan ng katarungan. Sa kabila ng kalungkutan, humingi siya ng gabay sa Dios upang mapagtagumpayan ang mga bagyong balakid sa kanyang landas patungo sa piling ng ating Dios (Tal. 3, 4). Batid ng mga sumulat ng Salmo na sa piling ng Dios lamang matatagpuan ang pag-asa na hinahanap-hanap niya.

Ano ang maaaring maging sandata ng mga sumulat ng Salmo laban sa takot at kalituhan? Ang katotohanan na palagi niyang kasama ang Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Kaya naman, kapag natagpuan mo ang iyong sarili na nababalisa, alalahanin mo na ginagabayan ka ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sasamahan ka ng Dios sa bawat problema na iyong mararanasan.