Minsan, lumapit ang isang miyembro ng simbahan sa isang Pastor upang humingi ng tawad. Humingi siya ng tawad dahil hindi siya sumang-ayon sa kanya na maging Pastor dahil sa pagiging Black American nito. Sabi niya “Patawarin mo nawa ako. Hindi ko nais matutunan ng aking mga anak ang panghuhusga na ginawa ko sa iyo. Hindi ako pabor sayo, noong una, at nagkamali ako.” Tinanggap naman ng Pastor ang paghingi ng tawad ng miyembrong iyon.
Lumipas ang isang linggo, nagpatotoo ang miyembrong iyon sa kung paanong itinama ng Dios ang kanyang pagkakamali. Nagalak naman ang mga nakarinig ng patotoo na iyon.
Katulad ng pagtatama sa miyembrong iyon, itinama din naman ng Dios si Apostol Pedro sa kanyang panghuhusga sa mga hindi Judio o Hentil. Itinuturing kasing isang paglabag sa batas ng mga Judio ang pakikihalubilo sa mga Hentil – mga taong itinuturing na marumi ayon sa kautusan. Sinabi pa ni Pedro, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio” (Gawa 10:28). Ngunit nagbago ang paniniwala ni Pedro nang ipinaliwanag sa kanya ng Dios gamit ang isang pangitain (Tal. 9-23) na “hindi niya dapat ituring na marumi ang sinuman” (Tal. 28).
Itinatama rin naman ng Dios ang ating maling paniniwala sa kapwa sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia, paggabay ng Banal na Espiritu at mga nararanasan sa buhay. Tinutulungan Niya tayong makita na “walang pinapaboran ang Dios” (Tal. 34).