Nakakaantig ng damdamin ang kantang “From Now On” sa pelikulang The Greatest Showman. Mararamdaman sa kanta ang labis na kagalakan sa pag-uwi ng bidang lalaki sa kanyang pamilya at maging kuntento sa mga bagay na mayroon siya.
Ganito rin naman ang sinasabi sa aklat ng Hosea. Hinihimok ni Hosea ang mga Israelita na magbalik-loob sila sa Dios. Dahil hindi tapat ang mga Israelita sa relasyon nila sa Dios, inihalintulad sila ni Hosea sa asawa niyang hindi rin tapat.
Gayunpaman, ipinahayag din sa kabanata 14 sa Hosea ang pangako na walang hanggang pagmamahal, kagandahang-loob at kalooban ng Dios na nais Niyang pabalikin ang mga Israelita sa Kanyang piling. Ninais ito ng Dios sa kabila ng hindi pagiging tapat ng mga Israelita sa Kanya (Tal. 1-3). Nangako ang Dios na taos-puso Niyang mamahalin ang Kanyang mamamayan at itutuwid Niya ang Kanyang mamamayan sa pagiging pagkamasuwayin (Tal. 4). Mayroon din namang relasyon na tila hindi na maaayos, ngunit maaari pa rin maaayos sa tulong ng Dios. Ang Dios ay “magiging parang hamog sa atin,” tutulungan tayong “umunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak” at “dumami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami” (Tal. 5-7).
Kaya naman, sa tuwing hindi natin pinahahalagahan ang kagandahang-loob ng Dios, madalas iniisip natin na babawiin Niya ito. Ngunit kung buong pagpapakumbabang manunumbalik tayo sa piling Niya, makikita at mararamdaman natin na lagi Siyang handa na tanggapin tayong muli.