Nang magsundalo si Franz Jägerstätter para sa mga Nazi, naipasa niya ang lahat ng pagsusulit. Pero tumanggi si Franz na maging tapat sa pinuno ng mga Nazi na si Adolf Hitler. Nalaman kasi ni Franz ang mithiin ni Hitler na patayin ang lahing Judio.
Napagtanto niyang hindi siya maaring magpatuloy na lumaban para sa mga Nazi dahil sa kanyang paniniwala. Kaya naman kinulong at hinatulan siya ng kamatayan at naulila ang kanyang asawa’t anak.
Katulad naman ni Franz, sumusunod din ang mga nagtitiwala kay Jesus sa mga utos Niya kahit pa malagay sa panganib ang kanilang buhay. Hindi rin naman nalalayo dito ang kuwento ni Propeta Daniel. Noon, ipinapatapon sa kulungan ng mga leon ang sinumang “mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa [hari]” (Daniel 6:12). Ngunit pinili pa rin ni Daniel na maging tapat sa kanyang Dios kaysa sa sariling kaligtasan. “Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian” (Tal. 10). Sa Dios lamang luluhod ang propeta, ano man ang mangyari.
Minsan, malinaw na ang dapat nating piliin. Dapat sumunod at magtiwala tayo sa Dios. Kaya naman, hikayatin man tayo ng mga taong sumama sa paniniwala ng mas nakararami o malagay sa panganib ang ating buhay, huwag nating tatalikuran ang Dios. Kahit pa napakalaki ng mawawala sa atin, kailangan pa rin nating manindigan sa ating pananampalataya, kapalit man nito ay pagsalungat sa iba.