Minsan, natanggap ako sa isang kumpanya kung saan karamihan ng mga nagtatrabaho ay mga nagtitiwala kay Jesus. Ipinabasa sa akin ang isang listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Ipinagbabawal ang pag-inom ng alak, paninigarilyo at iba pang mga bisyo. Gusto raw kasi nilang ipalaganap sa kanilang manggagawa ang mga kaugalian na mayroon ang taong nagtitiwala kay Jesus. Sumang-ayon naman ako sa listahan na ito dahil matagal ko nang hindi ginagawa ang mga ito. Ngunit bakit wala sa listahan ang huwag magmayabang, iwasan ang masasakit na pananalita, pang-aaway sa kapwa at iba pang mga mahahalagang katangian mayroon ang mga nagtitiwala kay Jesus?
Ang pagtitiwala kasi kay Jesus ay wala sa bilang ng mga dapat at hindi dapat gawin. Dapat makikita na nagtitiwala tayo kay Jesus sa pamamagitan ng araw-araw nating pamumuhay na mailalarawan ang magandang kaugalian.
Sa aklat ng Mateo 5:3-10 naman ipinaliwanag iyong magagandang kaugalian. Ayon dito, may kababaang-loob at hindi makasarili ang mga taong nagtitiwala kay Jesus. Tumutulong sa mga naghihirap at mahinahon. Hinahanap ang kabutihan sa sarili at sa kapwa. Maawain sa mga may problema. Tapat sa pagmamahal kay Jesus. May kapayapaan at ibinabahagi iyon sa kapwa. Nagtataglay ng kabaitan. At kahit humaharap sa problema, nananatili pa rin na masaya dahil alam niyang kasama niya ang Dios.
Ganitong buhay ang hinahangad ng marami ngunit ang mga lumalapit at dumudulog lang kay Jesus ang makakakamit nito.