Noong 1800s, limang taong pineste ng mga tipaklong ang mga pananim sa Minnesota sa Amerika. Sinunog ng mga magsasaka ang kanilang mga pananim upang sugpuin ang mga ito. Dahil sa nagbabadyang taggutom, hiniling ng mga tao na magkaroon ng isang araw ng sama-samang pananalangin. Pumayag ang Gobernador dito at itinalaga ang Abril 26 bilang araw ng pananalangin.
Ilang araw matapos ito, nagsimulang uminit. Lalong dumami ang mga itlog ng tipaklong. Ngunit apat na araw lang ang lumipas, ikinagulat ng lahat ang biglang pagbagsak ng temperatura na nagresulta sa pagkamatay ng mga itlog. Kung kaya’t muli nang nakaka-ani ng mais at palay ang mga taga-Minnesota.
Pananalangin din naman ang naging dahilan ng kaligtasan ng mga taga-Israel, sa pamumuno ni Haring Jehosafat. Nang nalaman ng hari na isang malaking hukbo ng mga sundalo ang nagpaplanong sumugod sa kanilang lugar, hinikayat niya ang mga taga-Israel na manalangin at mag-ayuno. Ipinaalala ng mga tao sa Dios ang mga panahon kung saan iniligtas sila sa mga kapahamakan. Sinabi ni Jehosafat na anumang sakuna ang dumating sa kanila, “gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom” dudulog sila sa Dios, dahil alam nilang ililigtas sila ng Dios sa anumang kapahamakan. (2 Cronica 20:9)
Katulad ng pakikinig ng Dios sa panalangin ng mga taga-Israel at sa mga taga-Minnesota, pakikinggan rin Niya tayo. Anuman ang iyong nararanasan sa buhay, idulog mo ito sa Panginoon. Walang imposible sa Dios.