Gustong magkaanak ng mag-asawang Lara at Dave ngunit ayon sa kanilang doktor, hindi ito maaari. Nang ikinuwento ito ni Lara sa kanyang kaibigan, sinabi niya na, “Nasasabi ko ang totoo kong nararamdaman sa Dios tungkol sa bagay na iyon.” Naikuwento rin nila iyon sa kanilang Pastor at nabanggit niya ang isang grupo sa kanilang simbahan na tumutulong sa mga gustong mag-ampon ng bata. Isang taon ang lumipas, nakapag-ampon sila ng isang batang lalaki.
Sa Genesis 15 sa Biblia, ganito rin ang naging usapan ni Abram at ng Dios. Sinabi ng Dios, “Abram, huwag kang matakot dahil … gagantimpalaan kita” (Tal. 1). Tapat na sumagot si Abram, “O Panginoong Dios, ano po ang halaga ng gantimpala N’yo sa akin kung hanggang ngayon ay wala pa po akong anak?” (Tal. 2).
Matatandaan kasing pinangakuan ng Panginoon si Abram. Sabi ng Dios, “Pararamihin Ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo” (13:16). Makikita ang pagdududa sa sagot ni Abram ngunit ang sagot ng Dios ay “Masdan mo ang mga bituin sa langit, bilangin mo kung makakaya mo,” pagkatapos sabihin ito ng Dios, ipinangako Niya na hindi makakayang bilangin ang magiging angkan ni Abram (15:5).
Napakabuti ng Dios, hindi lang dahil sa pagpayag Niyang mailahad ni Abram ang tunay nitong nararamdaman, kundi pati na rin sa pagpapanatag ng loob nito. Kalaunan ang pangalang Abram ay pinalitan ng Dios ng Abraham (“ama ng marami”). Katulad ni Abraham, maari din nating sabihin sa Panginoon ang ating tunay na nararamdaman at makakaasa tayo na lagi ang nais ng Dios para sa atin, at sa ating kapwa, ang pinakamainam.