Kapag nasa labas si Marcia, sinisikap niyang ngitian ang mga nakakasalubong niya. Ito ang kanyang paraan upang makatulong sa mga taong maaaring nangangailangan ng kaibigan. Madalas naman siyang masuklian ng ngiti. Ngunit nang maging mandato ang pagsusuot ng facemask, nabahala siya dahil hindi na makikita ng mga tao ang kanyang bibig. Ibig sabihin, hindi na rin nila makikita ang kanyang mga ngiti. Nakakalungkot ito, sabi niya, ngunit hindi ako titigil. Maaaring makita rin nila ang ngiti sa aking mga mata.
Sinusuportahan naman ng agham ang ideyang ito ni Marcia. Tinatawag itong Duchenne Smile o “pagngiti gamit ang mga mata.”
Pinaaalalahanan naman tayo ng libro ng Kawikaan na “kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya” at “ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan” (15:30, 17:22). Kadalasan, ang mga ngiti sa mukha ng mga anak ng Dios ay nagmumula sa hindi pangkaraniwang ligayang ating nadarama. Regalo ito ng Dios sa atin na maari nating maipamahagi sa pagpapalakas ng loob ng mga taong nasa gitna ng pagsubok o pamamahayag sa mga taong may katanungan sa buhay. Tayo man ay makaranas ng pagkabigo sa buhay na ito, mas kapansin-pansin ang siglang dulot ng Dios sa atin.
Sa madilim na yugto ng ating buhay, piliin natin ang ligayang hatid ng Dios. Hayaan mong ang iyong mga ngiti ay magsilbing bintana ng pag-asa na nagpapakita ng pagmamahal ng Dios at liwanag ng presensya Niya sa iyong buhay.