Noong taong 2020, ikinagulat ni Alyssa Mendoza ang natanggap niyang e-mail galing sa kanyang ama. Nakalagay dito ang mga tagubilin kung paano pasasayahin ang kanyang ina sa araw ng kanilang pang-dalawampu’t limang anibersaryo. Ano ang nakakagulat dito? Walong buwan na ang nakakalipas nang pumanaw ang kanyang ama. Napagtanto niyang sinulat at itinakda ng kanyang ama ang e-mail bago ito mamatay. Nakatakda rin na makatanggap ang ina ni Alyssa ng bulaklak sa kaarawan nito, kanilang anibersaryo, at araw ng mga puso.
Inilalarawan ng kuwentong ito ang detalyadong paliwanag sa pag-ibig sa aklat ng Awit ng mga Awit. “Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy” (8:6).
Kung titingnan, hindi naman normal ang pagkukumpara ng pag-ibig sa kamatayan. Ngunit ang pareho itong malakas dahil walang sinuman ang kayang tumakas dito. Sa talatang 7 naman makikitang inilarawan ang lakas ng pag-ibig na “kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan.”
Mapapansin ang ganitong tema sa buong Biblia. Ikinukumpara ang pag-ibig ng Dios sa pagmamahalan ng isang mag-asawa (Isaias 54:5, Efeso 5:25, Pahayag 21:2). Si Jesus ang lalaking ikakasal at ang iglesia ang babaing ikakasal. Sa pamamagitan ni Jesus ipinakita ng Dios ang pagmamahal Niya sa atin. Pinili Niyang ang Kanyang Anak ang mamatay at magdusa upang hindi na tayo ang mamatay at magdusa dahil sa ating mga kasalanan (Juan 3:16). May asawa man tayo o wala, alalahanin natin na walang makakapantay sa pag-ibig ng Dios.