Sa pelikulang Amadeus, tinugtugan ng composer na si Antonio Salieri ang bumibisitang pari ng ilan sa kanyang mga sariling katha. Nahihiyang inamin ng pari na hindi pamilyar ang mga tugtuging ito sa kanya. “Itong isa?” Sabi ni Salieri, habang tumutugtog ng pamilyar na melodiya. “Hindi ko alam na ikaw pala ang sumulat niyan,” sabi ng pari. “Hindi ako ang sumulat niyan,” sagot ni Salieri. “Si Mozart yun!” Dito nadiskubre ng mga manood na naiinggit si Salieri sa tagumpay na mayroon si Mozart. Ito pala ang naging dahilan upang mapatay niya ito.
Isa rin namang awit ang nagpapaalala ng isang kuwento ng pagkainggit. Pagkatapos talunin ni David si Goliat, buong pusong umawit ang mga Israelita ng, “Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo” (1 Samuel 18:7). Hindi nagustuhan ni Haring Saul ang nangyaring pagkukumpara. Dahil sa inggit at takot na makuha ni David ang trono (Tal. 8-9), nagsimula ang plano ni Saul na patayin si David.
Katulad ni Salieri at Saul, madalas tayong natutuksong mainggit sa kapwa nating mas magaling sa atin. Minsan gusto nating maliitin ang kanilang tagumpay o hanapan sila ng kamalian. Dahil nakikita natin sila bilang “katunggali.”
Ang Dios ang tumawag kay Saul sa kanyang tungkulin (10:6-7, 24), isang pangyayaring nagbigay sana sa kanya ng kumpiyansa imbes na inggit. May kanya-kanya tayong pagkakatawag (Efeso 2:10), at maaaring ang mabisang panghinto sa inggit ay ang paghinto sa pagkukumpara ng ating sarili sa iba. Sa halip, ipagdiwang din natin ang tagumpay ng iba.