Hinahanap ko noon ang singsing ko sa kasal at anibersaryo ng bigla akong maiyak. Isang oras na kasi kami ng asawa kong si Alan, naghahanap at naghahalughog sa aming bahay. Sinabi tuloy ni Alan, “Pasensya ka na. Papalitan na lang natin ng bago.” “Salamat,” ang sagot ko. “Pero ang halaga nila ay bukod pa sa presyo nila. Wala silang kapalit.” Nagpatuloy akong maghanap habang nananalangin.
Ilang oras ang lumipas, habang dumudukot ako sa bulsa ng isang dyaket na nasuot ko nitong nakaraang linggo, nakita ko ang napakahalagang mga alahas ko. “Salamat, Jesus!” ang sambit ko. Habang nagdidiwang kami ng aking asawa, naalala ko ang parabula ng nawawalang salaping pilak (Lucas 15:8-10).
Katulad ng babaing hinanap ang kanyang salaping pilak, alam ko ang halaga ng mga nawawalang singsing. Walang mali sa kagustuhan naming mahanap ang mga mahahalagang bagay sa amin. Ginamit ang parabula na ito ni Jesus upang ipahayag ang kagustuhan Niyang mailigtas ang bawat sangnilikha. Ang bawat isang makasalanang nagsisi ay ipinagdiriwang sa langit.
Napakagandang isipin na ipanalangin natin ang ating kapwa gaya ng pananalangin nating makita ang mahahalagang gamit natin. Napakasaya sigurong ipagdiwang ang pagsisisi at pagsuko ng buhay kay Cristo ng isang makasalanan. Kung magtitiwala tayo kay Jesus, magpapasalamat tayo sa sayang dulot ng pakiramdam na may Nagmamahal sa iyo. Nagmamahal na hindi sumusuko dahil sa tingin Niya’y karapat-dapat tayong hanapin.