Sa loob ng apatnapu’t dalawang taon, patuloy na inilalapit ni Clifford Williams sa korte ang kaso niya para makalaya siya. Pero nabigo lang siya. Nahatulan kasi siya ng kamatayan sa salang pagpatay na hindi naman niya ginawa.
Nalaman ng abogadong si Shelley Thibodeau ang tungkol sa kaso ni Williams. Nalaman din ng abogado na walang sapat na batayan ang kaso ni Williams. Idagdag pa rito na may tao ng umamin sa salang pagpatay. Tinulungan ng abogado si Williams. Kaya sa edad na pitumpu’t anim, nakalaya si Williams mula sa matagal na pagkakabilanggo.
Tulad ni Williams, humarap din sina Propeta Jeremias at Uria sa isang matinding pagsubok. Ipinahayag nila sa bayan ng Juda na huhusgahan sila ng Dios kapag hindi sila humingi ng tawad sa Kanya (Jeremias 26:12-13, 20). Nagalit ang mga pinuno ng Juda sa babala nila. Nais patayin ng mga tao ang dalawang propeta. Nagtagumpay sila kay Uria. Tumakas si Uria patungong Ehipto pero nabihag siya at hinarap sa hari. Napatay si Uria (Tal. 23). Bakit naman hindi pinatay ng mga tao si Jeremias? May tumulong kay Jeremias. Tinulungan siya ni Ahikam kaya hindi siya napatay ng mga tao (Tal. 24).
Wala man tayong kakilalang natulad kina Williams at Jeremias. Ngunit, maaaring may kakilala tayong humaharap sa mga pagsubok na dapat nating tulungan. Dapat din nating tulungan ang mga taong inaapi at hindi pinapakinggan. Tulad ng pagtulong nina Thibodeau at Ahikam na kahit mapanganib ay ginawa pa rin nila ang tama. Humingi tayo ng paggabay sa Dios para malaman kung “Sino ang dapat nating tulungan ngayon?”