Sakay ng barkong RMS Carpathia ang operator ng radyong pandagat na si Harold Cottam. Siya ang nakatanggap ng tawag mula sa palubog na barkong Titanic. “Kailangan namin ng tulong ninyo. Bumangga kami sa yelo.” Tumulong ang barkong Carpathia para sagipin ang 706 katao mula sa palubog na barko.

Ayon naman sa kapitan ng barkong Carpathia na si Arthur Rostron, nasa tamang oras ang pagkarinig ni Cottam nang humingi ng tulong ang barkong Titanic. Naghahanda na sana siyang matulog dahil wala na siyang trabaho noong panahong iyon. Pero napakinggan niya ang tawag. “Kung maaga siyang natulog, hindi siguro niya nadinig ang paghingi nila ng tulong.”

Napakahalaga talaga ng pakikinig. Lalong higit sa ating pakikinig sa sinasabi ng Panginoon. Ayon sa mga anak ni Korah na sumulat ng Salmo 85, isang mahalagang bagay ang makinig sa Dios. “Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Dios, dahil mangangako Siya ng kapayapaan sa atin na Kanyang mga tapat na mamamayan; iyan ay kung hindi na tayo babalik sa ating mga kamangmangan. Tunay na ililigtas niya ang may takot sa kanya” (Tal. 8-9). Mahalaga ang paalala sa Salmo dahil lumaban at hindi nakinig sa Dios si Korah. Napahamak siya dahil sa ginawa niya (Bilang 16:1-35).

Mayroon namang mas malapit na barko sa Titanic nang panahong iyon. Pero natutulog na ang operator ng radyo ng barkong ito. Kung narinig niya agad ang paghingi ng tulong mula sa Titanic, tiyak na mas maraming buhay ang naligtas. Kaya naman, matuto tayong makinig sa Dios. Hindi Niya tayo papabayaan sa mga suliranin natin sa buhay.