Nakatira sa isang bahay ampunan ang anak namin bago namin siya ampunin. Bago kami umuwi sa aming tahanan, sinabi namin sa kanya na kunin niya ang lahat ng gamit niya. Pero wala siyang kahit anong gamit. Kaya naman, binigyan namin siya ng masusuot pati na ang mga ibang bata sa ampunan. Nalungkot ako dahil walang kahit anong pag-aari ang anak namin. Pero may galak sa puso ko dahil kaya naming ipagkaloob ang mga bagay na kailangan niya.
Makalipas ang ilang taon, may lumapit sa amin para humingi ng tulong at donasyon para sa mga kapus-palad. Agad na pinagkaloob ng anak namin ang mga luma niyang laruan at kaunting pera. Hindi namin inaasahan na gagawin niya iyon dahil sa nakagisnan niya.
Sumasalamin naman sa kabutihan ng mga taong nagtitiwala kay Jesus noong unang panahon ang ginawa ng anak ko. “At lubusang pinagpala ng Dios ang lahat ng mga mananampalataya. Hindi sila nagkulang sa kanilang pangangailangan” (Gawa 4:33-34). Bukal sa puso ng mga taong nagtitiwala sa Dios ang magkaloob at magpakita ng kabutihan sa kapwa.
Kumilos nawa sa mga puso natin ang pag-ibig ng Dios para magpakita ng kabutihan sa mga taong nangangailangan. Maging bukas nawa ang mga puso natin na maging mapagbigay sa kapwa natin. Magiging daluyan tayo ng pagpapala ng Dios, “na iisa ang puso at isip” (Tal. 32).