Noong Disyembre 6, 1907, isang minahan ang sumabog sa West Virginia sa bansang Amerika. Maraming napinsala sa pagsabog na ikinamatay ng 360 minero. Tinatayang nasa halos 250 ang mga naiwang biyuda ng mga namatay at nasa 1,000 bata naman ang naulila na sa ama. Ito ang naging dahilan upang alalahanin at ipagdiwang ang Araw ng mga Ama. Mula sa isang hindi inaasahang pangyayari nagkaroon ng pagkakataon na alalahanin at ipagdiwang ang mga mabubuting nagawa ng mga taong namayapa.

Nangyari din naman sa ating kasaysayan ang pinakakahindik-hindik na pangyayari. Nang patayin doon sa krus ang Panginoong Jesus. Pero sa kabila ng madilim na pangyayaring iyon, nagkaroon tayo ng dahilan para alalahanin at ipagdiwang.

Noong gabi bago mamatay si Jesus sa krus, kumuha Siya ng tinapay at saro upang ipagdiwang ang gagawing pag-alaala sa Kanya. “Pagkatapos, kumuha Siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Dios ay hinati-hati Niya ito at ibinigay sa kanila. Sinabi Niya, “Ito ang Aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa Akin” (Lucas 22:19).

Hanggang ngayon, sa tuwing nakikibahagi tayo sa tinapay at saro, inaalala natin ang pagsasakripisyo at walang hanggang pagmamahal sa atin ni Jesus. Sabi nga ni Charles Wesley sa kanyang naisulat na kanta, “Kamangha-manghang pag-ibig! Na ang aking Dios ay nagsakripisyo para sa Akin.”