Minsan, habang natutulog si Joanne bigla siyang nagising nang may marinig siyang nabasag na salamin at malakas na pagputok. Bumangon siya at tiningnan kung ano ang nangyari. Nakita niya ang basag na salamin at ang madilim na kalye sa labas. Wala namang tao na nandoon. Naisip niya na sana hindi na lang siya mag-isang nakatira sa bahay na iyon.
Nang dumating ang mga pulis, nakita nila ang isang ligaw na bala na napakalapit sa linya ng gas. Kung tumama ang bala sa linya ng gas, siguradong hindi na makakalabas ng buhay pa si Joanne. Nalaman din nila sa imbestigasyon na mula sa malapit na apartment ang ligaw na bala. Natakot na tuloy si Joanne na manatiling mag-isa sa kanyang bahay. Kaya naman, nanalangin siya sa Dios na pawiin ang kanyang takot at bigyan siya ng kapayapaan.
Ipinapaalaala rin naman sa atin ng Biblia sa Salmo 121 na maaari tayong manangan sa Dios sa panahon ng pagsubok. Mababasa natin dito na ang ating tulong ay nanggagaling sa Dios na gumawa ng langit at lupa (Tal. 2). Ang Dios na lumikha ng sanlibutan ang nag-iingat sa atin (Tal. 3). Hindi Siya natutulog at pinapatnubayan Niya tayo araw man o gabi (Tal. 4, 6). Iingatan Niya tayo ngayon at magpakailanman (Tal. 8).
Nalalaman ng Dios ang kalagayan na pinagdaraanan natin. Hinihintay Niya tayong lumapit sa Kanya. Kung hindi man magbago ang kalagayan natin sa ating buhay, makakaasa pa rin tayo na bibigyan tayo ng Dios ng kapayapaan sa kabila ng lahat ng pagsubok.