Nang maglakbay ang tagapagturo ng Salita ng Dios na si Alexander Duff patungong India noong 1830, nawasak ang barkong sinasakyan niya dahil sa malakas na bagyo. Napadpad siya at ang iba pang sakay ng barko sa isang isla.
Matapos iyon, nakita ng isang nagtatrabaho sa barko ang Biblia ni Duff na lumulutang sa dagat. Nang matuyo ang Biblia, binasa ni Duff ang Salmo 107 ng malakas para marinig ng lahat. Dahil doon, lumakas ang loob ng mga tao. Hindi nagtagal at dumating ang mga taong magliligtas sa kanila at nakarating din si Duff sa India.
Mababasa natin sa Salmo 107 kung paano iniligtas ng Dios ang mga Israelita. Walang duda na naging payapa ang loob ni Duff at ng kanyang mga kasama nang mabasa nila ang mga ito: “Pinatigil Niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat. At nang kumalma ang dagat, sila’y nagalak, at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan” (Tal. 29-30). At katulad din ng mga Israelita, sina Duff at ang kanyang mga kasama ay “[nagpasalamat] sa Panginoon, dahil sa pag-ibig Niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao” (Tal. 31).
May mababasa rin tayo sa Bagong Tipan ng Biblia na katulad nang nangyari sa Salmo 107:28-30 (Basahin ang Mateo 8:23-27; Marcos 4:35-41). Nasa barko si Jesus kasama ang Kanyang mga taga-sunod nang bumagyo. Natakot ang mga alagad kaya pinatigil ni Jesus ang bagyo. Palalakasin din ni Jesus ang ating loob kung mananalangin tayo sa Kanya.