Minsan, habang tinitingnan ng isang magsasaka ang kanyang mga pananim, uminit ang ulo niya nang makita na may nagtapon na naman ng basura sa dulong bahagi ng kanyang bukid.

Nang ilagay niya ang mga basura sa kanyang sasakyan, nakita niya ang isang sobre kung saan nakatira ang taong palaging nagtatapon ng basura sa kanyang bukid. Naisip niya na gantihan ang taong ito. Kaya naman noong gumabi na, pumunta ang magsasaka sa bahay ng taong iyon at itinapon sa bakuran nito ang lahat ng kanyang mga basura.

Sinasabi ng iba na masaya sa pakiramdam ang makaganti. Pero tama nga bang gumanti tayo? Sa libro ng 1 Samuel 24 ng Biblia, nagtatago sa kuweba si David at ang kanyang mga kasama upang tumakas kay Haring Saul. Nang pumasok si Saul sa kuwebang iyon upang dumumi, sinabi ng mga tauhan ni David na pagkakataon na niya iyon upang gumanti kay Saul (Tal. 3-4). Pero hindi gumanti si David kay Saul. Sinabi niya, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari” (Tal. 6). Hindi makapaniwala si Saul nang malaman niya na hindi siya pinatay ni David kahit nagkaroon na ito ng pagkakataon. Sinabi ni Saul kay David, “Mas matuwid ka kaysa sa akin” (Tal. 17-18).

May pagkakataon na nais nating gumanti sa mga taong nakagawa sa atin ng masama. Gaganti ba tayo gaya ng ginawa ng magsasaka o tutularan natin si David na hindi gumanti? Piliin natin na huwag maghiganti.