Minsan, naglakbay kami sa isang kagubatan sa Yunnan Province, China. Makalipas ang isang oras, narinig na namin ang tunog ng rumaragasang tubig mula sa ilog. Binilisan namin ang aming paglalakad at narating namin ang isang napakagandang ilog na may malinaw na tubig.
Kaya naman, nagdesisyon ang aming mga kasama na mag-picnic kami roon. Magandang ideya iyon pero saan kami kukuha ng pagkain? Hindi kasi kami nakapagbaon ng pagkain. Maya-maya ay nawala ang iba naming kasama upang humanap ng pagkain. Pagbalik nila ay may dala na silang iba’t ibang prutas, gulay at pati mga isda. Napakasarap ng mga pagkaing aming kinain.
Naalala ko tuloy na ang mga nilikha ng Dios ay nagpapahayag ng Kanyang mga pagpapala. Makikita natin ang kagandahang-loob ng Dios sa lahat ng uri ng halaman, at sa mga punongkahoy na namumunga (Genesis 1:12). Ibinigay sa atin ng Dios ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga para ating kainin (Tal. 29).
Nahihirapan ka ba minsan na magtiwala sa Dios na ibibigay Niya ang lahat ng iyong pangangailangan? Subukan mong maglakad-lakad sa paligid. Makikita mo sa paligid ang mga pagpapala ng Dios at maaalala mo ang sinabi ni Jesus na: “Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong kakainin, iinumin... Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga bagay na ito” (Mateo 6:31-32).