Minsan, nadukutan ako ng pitaka noong nagbakasyon ako sa ibang bansa. Kahit na marami akong nabasang babala na mag-iingat sa mga magnanakaw kapag sumasakay sa tren. Nangyari pa rin iyon. Akala ko kasi alam ko na ang dapat gawin para makaiwas sa mga magnanakaw. Mabuti na lamang at nabitawan ng magnanakaw ang aking pitaka kaya nakuha ko agad ito. Pero nagpaalala sa akin ang pangyayaring iyon na kailangan kong makinig sa mga babala.

Ayaw nating makinig sa mga babala dahil tila hadlang ang mga ito para maging masaya tayo. Pero dapat nating bigyang pansin ang mga ito. Nagbigay rin naman si Jesus ng babala sa Kanyang mga alagad nang isugo Niya ang mga ito upang ipahayag ang pagdating ng kaharian ng Dios (Mateo 10:7). Sinabi Niya, “Ang sinumang kumikilala sa Akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin Ko rin sa harap ng Aking Amang nasa langit. Ngunit ang hindi kumikilala sa Akin sa harap ng mga tao ay hindi Ko rin kikilalanin sa harap ng Aking Amang nasa langit” (Tal. 32-33).

Tulad ng babala ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad. Mayroon din naman tayong pagpipilian. Maaari nating piliin ang kaligtasan mula sa kasalanan na iniaalok sa atin ng Dios sa pamamagitan ni Jesus. Maaari rin naman nating tanggihan ito. Pero kung lalayo tayo sa Dios at hindi tatanggapin ang iniaalok Niya, mawawalan tayo ng pagkakataon na makasama ang Dios habambuhay.

Nawa’y piliin nating magtiwala kay Jesus na Siyang nagligtas sa atin at lubos na nagmamahal sa atin.