Minsan, natuklasan ng isang doktor ang lunas sa allergy sa pagkain ng aking kamag-anak, tuwang-tuwa ako at palagi ko itong ikinukuwento sa iba. Puring-puri ko ang doktor na iyon at ang proseso ng kanyang paggagamot. Pero may ilan akong kaibigan na nagsabi na, “Sa tingin namin, ang Dios ang dapat papurihan sa pagkakadiskubre ng gamot na iyon.” Natigilan ako. Hindi ko nga ba binibigyang papuri ang tunay na Dakilang Manggagamot at tila naging dios-diosan ko na ang nakatuklas ng gamot?
Nagkaroon din naman ng dios-diosan ang bansang Israel nang magsunog sila ng insenso sa tansong ahas na ginamit ng Dios upang pagalingin sila. Sinamba nila ito hanggang sabihin ni Hezekia na isa itong dios-diosan at “ipinadurog niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises” (2 Hari 18:4).
Dumating kasi ang panahon na nagreklamo ang mga Israelita sa Dios. Kaya nagpadala ang Dios ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, marami ang nangamatay sa kanila (Bilang 21:6). Humingi ng tulong ang mga Israelita sa Dios. At dahil lubhang mahabagin ang Dios, inutusan ng Dios si Moises na gumawa ng ahas na yari mula sa tanso at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi namatay (Tal. 4-9).
May mga bagay ka ba ngayon na maaaring ituring na dios-diosan? Alalahanin mo na tanging ang ating Dios, na nagkakaloob ng mabubuting bagay (Santiago 1:17), ang Siyang nararapat purihin at sambahin.